Jump to content


Photo

Isang Pakisuyo Sa Mga Katoliko Romano


  • This topic is locked This topic is locked
10 replies to this topic

#1 Resource Manager

Resource Manager

    Forum Management

  • Administrators
  • 13,447 posts

Posted 25 July 2012 - 06:39 AM

IsangPakisuyo.jpg

ISANG PAKISUYO SA MGA KATOLIKO ROMANO

Ang Layunin ng Panawagan

Mayroon kayong matingkad na mga kaugalian, mga mambabasang Katoliko. Ang inyong Iglesia ay may mahabang kasaysayan at ipinagmamalaking kaugnayan kay Apostol Pedro bilang unang Papa. Isa o dalawa lamang sa kaunaunahang iglesia ang maaaring makaagaw ninyo ng puspusan bilang una sa kasaysayan. At ang inyong Iglesia ay napakalaki ang bilang; sa buong kakristianuhan ay walang makakapantay.

Ako at ang aming kapulungan ay walang inaangking gayon, kami ay nananatili sa kasalukuyang pangalang “CHRISTADELPHIAN” kulang-kulang sa isang daan at dalawangpu at limang taon. Kami ay walang Papa, at mga Obispo (ayon sa pagkakaunawa ninyo sa kataga), at kami ay hindi umaangkin ng kaugnayan kay Pedro bilang unang Papa. At kami ay napakaliit sa bilang na hindi ninyo mapapansin maliban na kayo ay makakuha ng babasahing ito o kaya ay may magbigay sa inyo.

Iniibig ninyo ang inyong Iglesia. Sa lahat ng malalaking Iglesia sa kakristianuhan kayo ang may ipinagmamalaking pinakamaraming palagian mananamba; sa inyong mga dako ng pagsamba tuwing Linggo ng umaga, ang misa ay dapat na ganapin sa tuwina upang mapagbigyan lamang ang lahat ng nagaalay ng kanilang panata. Maaaring ang aming kapulungan ay mag sapat na bilang ng mga matatapat sa pananampalataya ngunit iyon ay hindi namin maaaring angkinin sa harap ninyo. Kaya’t ano nga ang aming layunin sa paglalahad ng aming simulain sa inyo?

Katunayan, hindi gayon ang aming ginagawa. Sinasabi namin, “Naparito kami sa inyo na dala ang Biblia - ang inyong Biblia kung nais ninyo - at nakikiusap sa inyo na sumali sa amin sa pagbasa. Nais naming ipakita ninyo kung ang inyong pamamaraan ng pananampalataya ay nasasalig sa Biblia; at kami, sa aming panig, ay nais naming ipakita sa inyo ang inaakala naming tunay na itinuturo ng Biblia sa mga bagay na iyon. Wala kaming inaalok sa inyo maliban ang Biblia, at hindi kami humihiling ng katibayan na labas sa Biblia. Kung sa inyong pagbabasa nito ay napatunayan ninyo ang katuruan ng inyong Iglesia, hatulan ninyo na kami’y nagkamali; nguni’t kung hindi, ay magalak kayo na tinanggap ninyo ang aming paanyaya na magsaliksik.”

At sakaling kayo ay hindi gaanong sanay sa Biblia, ito’y binabanggit sa inyong Misa at ang inyo rin namang Aklatdasalan (missal) na ginagamit sa pagmimisaya nababatay sa Biblia. Kapag ang inyong pari ay nagsabi sa Latin, “Hoc est enim corpus Meum”, ito’y katumbas lamang sa Tagalog “Ito ang aking katawan” (Matt. 26:26); ngunit nauunawaan ba ninyong mabuti ang Biblia sa kabuuan kung sa sariling pagbabasa lamang?

#2 Resource Manager

Resource Manager

    Forum Management

  • Administrators
  • 13,447 posts

Posted 26 August 2012 - 04:42 AM

ANG IGLESIA KATOLIKA AT ANG BIBLIA

Kung kayo ay hindi gaanong sanay sa Biblia, kayo ay hindi mawawalan ng mga kagalang-galang na kasamahan. Ang nakakaraming mga kaanib ng mga karamihang Iglesia ay hindi rin sanay sa kanilang Biblia at ito ay hindi pinaguukulan ng karapatang pagpipitagan. Mayroon ding mga obispo ng naturang mga Iglesia na hindi tinatanggap na ang DIOS ay magsasalita sa tao sa pamamagitan ng himala, o makagagawa man ng anomang himala. Maaring maging isang mananamba sa isa sa mag iglesiang ito, at magpatuloy pa rin ang pagaakala na ang karamihan ng nasa Biblia ay hindi nanggaling sa Dios.

Nguni’t ito, sa kabutihang palad, ay hindi ang kalagayan sa inyong Iglesia. Ang inyong Biblia ay may kaunting kaibahan sa pangkaraniwang tinatanggap ng mga iglesiang hindi Katoliko, subalit para sa ating pangunahing layunin, hindi natin tatalakayin ang kaibahan. Sapagkat isang katuruan ng Unang Concilio sa Vaticano noong 1869 na “ang Biblia ay ituturing na banal at pamantayan (canonical), hindi sapagka’t pinagtibay ng kapangyarihan ng Iglesia, kundi sapagka’t nasulat sa pamamagitan ng pagkasi ng Ispiritu Santo, na ang Dios ang may-akda, at sa gayon ibinigay sa Iglesia.

Ito ay isang ganap at maningning na kahayagan. Sapagka’t hindi lamang kinikilala ang kapangyarihan ng mga kasulatan, bagkus sinasabi sa atin na ibinibigay sa kanila ng Dios ang karapatang ito at hindi ang Iglesia ang nagsabi ng gayon. Ang Biblia ay salita ng Dios sa sariling karapatan, at sa gayon ay nararapat pag-ukulan ng pansin. Sinabi ni Pedro “... na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag ... kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyukan ng Espiritu Santo” (2 Pedro 1:20, 21)’ o sa salita ni Pablo: “Ang lahat ng kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran”. (2 Tim. 3:16)

Lahat ng bagay ay kinasihan ng Dios - upang ituro sa atin at ihayag ang ating mga kamalian. lyan ang napakahusay na katuwiran upang ang Biblia ay ating gawing patnubay at hindi natin dapat ipaubaya ang pagbabasa sa kamay ng iba. Dito sa Aklat na ito tayo lalapit kung ating susundin ang utos ni Pedro, at, “... lagi kayong handa ng pagsagot sa bawat tao na humihingi sa into ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo, nguni’t sa kaamuan at takot” (1 Pedro 3:15, 16).

Ngayon ay malinaw na wala ng pangpasira ng loob laban sa inyong sariling pagbabasa ng Biblia. Nagkaroon ng paghihigpit na halos humadlang sa paglaganap ng Biblia sa mga Katoliko sa pangkaraniwang wika, at, tama man o mali, maraming tagasunod na Katoliko ang nagaakala na mali ang pagbabasa ng Biblia sa kanilang sarili. Nguni’t sa paunang salita ng ilang pinagtibay na salin ay nagpapahiwatig ng pagpapatawad sa parusang dapat danasin (Indulhensiya) bilang gantingpala sa pagbabasa ng Biblia. Kaya’t malaya tayong magbukas ng Biblia at basahin natin ang itinuturo.

Ngayon ay mayroon kayong isang suliranin na sa amin ay hindi sumasaklaw. Sapagka’t bukod sa paniniwala sa kinasihang Biblia, kayo’y naniniwala rin naman sa kinasihang Iglesia. Kung ang inyong Iglesia ay nagsasalitang may karapatan sa mga bagay ukol sa pananampalataya at sa mabuting asal, tungkulin ninyong tanggapin ang kanyang tinig; at kung ang inyong Papa ay nagsasalitang “ex-cathedra” sa gayon ding paksa, siya ay malayo sa pagkakamali ayon sa pahayag ng Unang Concilio sa Vaticano. Magiging saliwa sa inyo sa gayong kalagayan na tumunghay sa Biblia na hindi ninyo isasaalang-alang ang sasabihin ng Iglesia tungkol sa mensahe; at ito ang magiging madaling dahilan upang ang Biblia ay maiwaksi o maisangtabi. Sapagka’t napakahirap pangatwiranang magkasabay kung ikaw ay mabuyo na magsabi, “Alam ko na ang Biblia ay salita ng Dios, nguni’t malalaman ko lamang ang kahulugan kung ang Iglesia ang magpapaliwanag sa akin.” Ito’y hindi tunay na pagtanggap sa Biblia, hindi ho ba ? Sapagka’t atin na ngang paguusapan kung ang Biblia ay nagpapatunay o hindi sa mga katuruan ng Iglesia Katolika, lalabas na gagawin natin ang inyong Iglesia, ang hukom sa sariling usapin kung tatanungin natin ang Iglesia ukol sa sinasabi ng Biblia.

Hindi ganito ang paraan ng paggamit ng Biblia. Ang Biblia ay “kinasihan ng Dios, at makapagtuturo”, gaya ng nabasa natin. Nang si Pablo ay nangaral ang kanyang tagakinig “... tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, siniyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito. Kaya nga marami sa kanila ang mga nagsisampalataya ...” (Gawa 17:11-12). Hindi ito mapapantayan sa ngayon. Maging naturuan tayo ng mali o tama, “siyasatin sa araw-araw ang mga kasulatan sapagka’t ito ang tiyak na daan sa tunay na pananampalataya at sa pagpapatibay sa ating sarili ng pananampalatayang yaon.

Kaya sa ganitong diwa tayo sasangguni sa Biblia sa mga mahahalagang aral ng Iglesia Katolika, at tingnan kung ang dalawa ay magkasang-ayon.

#3 Resource Manager

Resource Manager

    Forum Management

  • Administrators
  • 13,447 posts

Posted 26 August 2012 - 04:43 AM

1. ANG KALAGAYAN NG MGA PATAY

Ang Iglesia Katolika ay nagtuturo na lahat ng tao (pagsimula sa paglilihi patuloy) ay mayroong walang-kamatayang kaluluwa na iniiwan ang katawan sa kamatayan. Ang mga kaluluwa ng masasama na namatay sa kasalanang mortal, ay dadako sa “infierno para sa walang hanggang pagdurusa hanggang sa maglakip na muli sa katawan sa huling araw, sila ay ihahabilin sa muling pagdurusa na walang katapusan. Ang mga kaluluwa ng mga namatay na may magaan na kasalanan o yaong hindi pa nagaganap ang kaparusahan sa kasalanang mapapatawad, ay dadako sa masakit na paglilinis sa “purgatorio”bago matanggap sa Langit. Sila rin ay malalakip sa katawan para sa walang hanggang pagpapala sa huling araw.


Ang ilan sa mga bagay dito ay itinuturo din ng ibang mga Iglesia, nguni’t hindi natin layunin na katigan ang isang Iglesia laban sa iba, na di gaya-ng pagpapakita na kung ano ang itinuturo ng Biblia, kung ito ay aayon sa aral ng iba o hindi.

At ang katotohanan, ang Biblia ay hindi nagtuturo na ang kaluluwa ng tao ay hindi namamatay; na ang “infierno” pangkaraniwan, ay ang libingan na hahantungan ng lahat sa kamatayan; na ang apoy sa infierno ay isang larawan ng kaparusahan ng mga kusang makasalanan sa araw ng paghuhukom; na walang unakyat sa langit maliban sa Panginoong Jesus; at ang “Purgatorio” ay wala sa Biblia.

Tungkol sa ating mga kaluluwa “at nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kanyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay: At ang tao ay naging kaluluwang may buhay” (Gen. 2:7). Ang buong tao ay kaluluwang may buhay, at kung ano ang mangyayari sa kaluluwang may buhay na ito sa kamatayan ay binabanggit din sa kasulatan: “Sa pawis ng itong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauuwi sa lupa; . .. sapagka’t ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi” (Gen. 3:19). Tungkol sa “infierno”, ang kanyang katangian ay matutunghayan sa salita ni Isayas: “Sapagka’t hindi ka maaaring purihin ng Sheol (libingan), hindi kamaaaring ipagdiwang ng kamatayan’. Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makaaasa sa iyong katotohanan. Ang buhay, ... siya’y pupuri sa ito, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito” (Isa. 38:18, 19). Ang mga patay ay walang malay ni sa pagpapala o sa pagsusumpa: “Sapagka’t sa kamatayan ay walang ala-ala sa ito; sa Sheol (libingah) ay sinong mangagpapasalamat sa iyo, “ (Awit 6:5).

Apoy sa infierno ay isang kakaibang pananalita sa Babong Tipan, nguni’t tiyak na may kaugnayan sa pagdurusa, na dadanasin ng mga tinanggihan sa araw ng paghuhukom (Marcos 9:46), at walang kinalaman sa isang dagliang kapalaran pagkatapos mamatay. Ayon kay Daniel: “At marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa ay magigising, ang iba’y sa walang hanggang buhay, at ang iba’y sa kahihiyan at sa walang hanggang pagkapahamak” (Dan. 12:2). Ang langit ay tahanan ng Dios at ng kanyang mga anghel, at ang kasalukuyang kinalalagyan ng Panginoong Jesus Cristo, ngunit sa iba ipinababatid sa atin sa “... walang umakyat sa langit ...” (Juan 3:13). “Hindi umakyat sa langit ...” (Gawa 2:34).

At tungkol sa “Purgatorio”, walang sinasabi ang Biblia ukol dito. Katotohanan na isang paglilinis sa pamamagitan ng apoy sa araw ng paghuhukom (1 Cor. 3:13) ang magiging kapalaran ng lahat ng namuhay na di kalugod-lugod sa Dios bago sila tanggapin, nguni’t ang aral ng Purgatorio ay lubusang walang batayan sa Biblia.

Ang buong pagkakatha ng aral tungkol sa kabilang buhay ay nababatay sa hindi maipagtanggol sa Biblia na aral na ang kaluluwa ay walang kamatayan. Ang tunay na aral mula sa Biblia ay napakadali, na kung ang tao ay mamatay, sila ay nangatutulog lamang at sinuman sa kanila ang naisin ng Dios na ibangon para sa paghuhukom, ay gigisingin mula sa pagkakatulog, at ang pagpapalain sa kanila ay pahihintulutan na manahan at magharing kasama ang Panginoong Jesus sa lupa sa kanyang pagbabalia (Apo. 5:10; Matt. 5:5; 2 Ths. 1:9, 10).

Ang aral ng Iglesia Katolika tungkol sa kabilang buhay ay mas lubos at mainam kaysa karamihang ibang iglesia: nguni’t ang mahalagang bagay ay ang aral ay hindi itinuturo sa Biblia. Kung saan nanggaling ang aral ay di gaanong mahalaga sa pagtalakay na ito, nguni’t ang ating natuklasan ay naging isang mahalagang bahagi: ang dakilang katandaan ng inyong Iglesia ay hindi isang sapat na pagbibigay-katwiran upang lumihis sa mga itinuturo ng Biblia: sapagka’t ang Biblia ay lalang una at ang kanyang katuruang Kristiano (na nanggaling sa Panginoon at sa kanyang mga apostol) ay lalong nauna pa: at gayon kung papaano ang katandaan ng isang Iglesia ay tatasahin.

#4 Resource Manager

Resource Manager

    Forum Management

  • Administrators
  • 13,447 posts

Posted 26 August 2012 - 04:43 AM

2. PAGDURUSA SA PAGKAKASALA AT ANG PAGHANGO

Ang Iglesia Katolika ay nagtuturo na ang pagdurusa sa “purgatorio” ay mahahango o mapapaigsi sa pamamagitan ng Indolegencia. Ito ay maaaring matatamo sa pamamagitan ng mabubuting gawaing nagawa sa buong buhay, o kaya sa namamagitan at mga misa para sa patay.


Kaya’t mababasa sa paunang salita sa Bibliang Katolika na ang ilang pagbabasa ng Biblia ay nagsisilbi bilang Indolegencia sa ilang araw; o kaya sa ibang bansa kapag nakakita ng larawan ng santo sa tabing daan at nagbigay ka ng panalangin ay gayon din a bisa. Hindi na kailangan banggitin ang malaswang pagbibili ng Indolegencia sa panahon ng “Reformation” sapagka’t wala ni isa man sa inyong Iglesia ang magtatanggol dito. Totoong napakahirap aminin “sa isang Iglesia na nagaangking ng pagkasi ng Dios na makapagtuturo ng kamalian.

Wala pagpapatunay sa Biblia upang ganapin ang gayon. Tayong lahat, bawa’t isa sa atin, ay haharap sa Dios ayon sa ating gawa (Rom. 2:4-16) at bagama’t ang panalangin ng ating mga naniniwalang kaibigan ay makatututlong sa ating buhay (1 Juan 5:13-16), sinabi ni Pablo sa kanyang sulat sa taga Hebrew 9:27, “At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.” Bagama’t may mababasa na ang mga Apostol ay may kapangyarihang magpatawad ng pagkakasala at gumawa ng alintuntunin ng Iglesia, ang mga ito ay walang kinalaman sa aral ng Indolegencia.

Hindi lamang sa walang sandigan kundi sa katunayan na nagaakala na ang tao ay may malay sa kamatayan na hindi tinatanggap ng Bible ay isang napakahalagang katuwiran upang talikdan ang aral ng Indolegencia.

#5 Resource Manager

Resource Manager

    Forum Management

  • Administrators
  • 13,447 posts

Posted 26 August 2012 - 04:44 AM

3. ANG BIRHENG MARIA AT ANG MGA BANAL

Ang Iglesia Katolika ay nagtuturo na si Maria ay walang bahid dungis at umakyat sa langit. Itinuturo din sa mananampalataya na manalangin sa kanya at pag-ukulan siya ng lubos na paggalang. Maaari rin silang manalangin sa mga santo na may kapakinabangan.


Kakaunti ang inukol ng Biblia para kay Birheng Maria. Tinatawag siyang “... isang dalagang magaasawa sa isang lalaki, na ang kanyang pangalan ay Jose, sa angkan ni David ...” (Lucas 1:27) at ang pagbati sa kanya’y “... magalak ka, ikaw na tutoong pinagpala ang Panginoon ay sumasaiyo” (Lucas 1:28). Sinabi niya nang malaman niyang magluluwal siya ng isang sanggol na tatawaging anak ng Dios na “... tatawagin akong pinagpala ng lahat ng mga salit-saling lahi (Lucas 1:48). Nguni’t ang kanyang kapanganakan at kamatayan ay walang sinasabi ang Biblia.

Totoong nakapagtataka na ang dalawang walang pagkakamaling pagpapahayag ay nagpapahalaga (noong 19 at 20 siglo) sa mga bagay na wala sa Biblia. Maging ang ipinalalagay na Ina at Ama ni Maria na sina Anna at Joachin ay hindi mababanggit sa Biblia at makikita lamang sa evangelio Apocryphal (Ang Protevangelium ni Santiago) na minsa’y nabibilang sa mga bawal na aklat.

Bagama’t ang Banal na Kasulatan ay hindi nagsasaad tungkol sa kapanganakan at kamatayan ni Maria nguni’t ito ay nagpapatunay naman na siya at isang babaeng katulad ng lahat ng mga babae ng ating lahi - na mayroong kabutihan at katapatan, nababagay sa kadakilaan ng kanyang pagdadala ng Anak ng Dios at nauukol sa pinakamataas na papuri - nguni’t isang babae na taglay ang mga kahinaan ng ating lahi. Inalagaan niyang mabuti ang kanyang Anak, nguni’t ng dumating ang araw ng kanyang pagtawag sa pangangaral, si Maria ang isa sa mga nag-alinlangan (Marcos 3:31-35). Kung ginagamit siya ni Jesus na isang huwaran upang sa ikatututo ng iba, ngunit nagsabi ang isang babae, “... Mapalad ang tiyung sa iyo’y nagdala, at ang mga dibdib na iyong sinusuhan’.” sumagot si Jesus, “... Oo bagkus na lalang mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito’y ginaganap” (Lucas 11:27, 28), nang si Maria ay minsang naghihintay sa labas kasama ang ibang kapatid ni Jesus muli naman niyang ibinahagi sa kanyang mananampalataya ang karangalan: “... Sino ang aking ina? at sino-sino ang aking mga kapatid? Sapagkat sino mang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, siyang ang aking kapatid na lalake at aking kapatid na babae, at aking Ina” (Matt. 12:46-50).

Palubha lalo, sapagka’t kung ang isang bagay ay tiyak tungkol sa pagkatao ng ating Panginoong Jesus na nahayag sa Biblia, yaon ay ang hindi niya pagkakaiba sa kanyang mga kapatid. Siya’y natukso gaya ng pagkakatukso sa atin (Heb. 4:15) at ... nararapat ... sa lahat ng mga bagay ay matulad sa kanyang mga kapatid ...” (Heb. 2:17). Totoong ipinagtatanggol ng inyong Iglesia ang pagka-walang bahid dungis ni Jesus mula pa sa paglilihi at patuloy nguni’t malinaw na itinuturo ng Biblia na ang ating Panginoong Jesus ay nagpasimula na taglay ang ating kahinaan sa laman at kanyang napaglabanan sa pamamagitan ng katapatan sa buhay at kamatayan sa krus. Ang Panginoon at “... ginawang sakdal sa pamamagitan ng sakit” (Heb. 2:10). Ang naipahayag na natin tungkol sa kalagayan ng mga patay at sapat nang katuwiran kung bakit dapat nating tanggihan ang pag-akyat ng Birheng sa langit, maging sa karawan o hindi, at wala tayong nakukuhang katibayan sa Biblia. Gayon din ang katotohanan sa lahat ng mga tapat na nangamatay at nangatututlog kay Kristo at ang katuwirang ito ay sapat na upang iwaksi ang pananalangin sa Birhen at sa mga Santo.

Nguni’t mayroon din namang ibang mga katuwiran. Sa Biblia, ang Panginoong Jesus ay ipinakitang tangi at sapat na taga-pamagitan nga mga banal. “Sapagka’t may isang Dios at may isang tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus” (1 Tim. 2:5). Ang Panginoon ang nagaanyaya sa atin na lumapit sa Ama sa kanyang pangalan (Juan 16:23) at walang panalangin sa buong Bagong Tipan na inialay sa ibang tagapamagitan. Hindi pagbibigay galang sa kapangyarihan at pag-ibig ng Panginoong Jesus ang pagaakalang nangangailangan ng ibang taga pamagitan na minungkahi ng manunulat ng inyong Iglesia na kinakailangan ang malumanay na pamamagitan ng “Reyna ng Langit” upang maiwasan ang galit ng Anak ng Dios sa mga makasalanan gaya ng mga nagpako sa kanya sa krus. Makikita natin na ang pamamagitan ni Maria ay saliwa sa unawa ng tunay na kalagayan ng ating Tagapagligtas: sapagka’t “... Tayo’y walang isang dakilang sacerdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma’y walang kasalanan” (Heb. 4:15).

#6 Resource Manager

Resource Manager

    Forum Management

  • Administrators
  • 13,447 posts

Posted 26 August 2012 - 04:44 AM

4. MGA SANTO (BANAL)

Ang Iglesia Katolika ay umaangkin ng karapatan upang suriin ang buhay ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng isang paran (beatification, canonization) upang ipahayag silang santo (banal), at bigyan ng takdang araw sa kalenaryo ng mga santo at maaaring itong lapitan sa panahalangin.


Ang karapatan na humatol sa mga tao ayon sa Biblia ay nauukol sa Dios sa pamamagitan ng Pahg(noong’Jesucristo. Ang katayuan ng mga mananampalataya sa paningin ng Dios ay sa ano mang paraan ay hindi mababago ng paghatol ng tao gaano man siya kadakila. Sa pagganap ng gayong tungkulin ang Iglesia kung minsan ay nalalagay sa alanganin gaya ng pagpapahayag na santo kina Santa Anna at San Joaquin” ang inaakalang ina at ama ng Birhen, ang buhay na kanilang pananatili ay walang katiyakan.

Sa ano pa mang paraan, ang katagang banal sa Bagong Tipan ay nauukol sa lahat ng “pinagbanal” sa pamamagitan ng pananampalataya at bautismo kay Cristo. “Lahat kayo ay magkakapatid” ang sukatan ng lahat ng mananampalataya sa pagkapantay-pantay sa buhay na ito. Ang sukdulang pagpapala ng lahat ng tapat na banal sa araw ng pagkabuhay ng mag-uli at paghatol, ay nasalalay sa kamay ng Dios sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo lamang (Gawa 17:31).

#7 Resource Manager

Resource Manager

    Forum Management

  • Administrators
  • 13,447 posts

Posted 26 August 2012 - 04:45 AM

5. SACERDOTE (PARI)

Ang Iglesia Katolika ay tinatanggap ang pagkakaiba ng pagkasacerdote (priesthood) at ang pangkaraniwang mananampalataya (laity). Ang mga sacerdote, pangkaraniwan, ay hindi nag-asawa, at tinataguriang “Ama” at siya lamang ang maykarapatang gumanap ng “sacramento” (matangi lamang sa bautismo sa araw ng kagipitan).


Ang mga Judio ay may sacerdote, mula sa tribo ni Levi, sa sangbahayan ni Aaron. Ang mga sacerdoteng ito ay nagaasawa, at ang kanilang mga anak ang nagmamana ng gawaing pagkasacerdote. Gayon may sa isang unawa ang bansa ay mga sacerdote ayon sa kalagayan sa sanglibutan: “at kayo’y magiging isang kaharian ng mga sacerdote sa akin, at isang banal na bansa ...” (Ex. 19:5, 6).

Ang Bagong Tipan ay nagpakilala ng bagong kalagayan, na itinuro sa Iglesia Kristiana na ang lumang sacerdote ng mgaanak ni Aaron ay lumipas na. Bilang kapalit ng pinakamataas na Sacerdote na namamatay at napapalitan, ay mayroon tayong isang walang kamatayang sacerdote, ang Cristo ng nabuhay na maguli “... nang siya’y maging sakdal, siya’y nagtamo ng walang hanggang kaligtasan para sa lahat ng mga nagsisitalima sa kaniya; Pinanganlan siya ng Dios na dakilang sacerdote ayon sa pagkasacerdote ni Melquisedek” (Heb. 5:9, 10).

Nguni’t walang ibang sacerdote maliban kay Cristo. Kapag ang katagang sacerdote” ay ginagamit maliban kay Cristo iyo’y nauukol sa mga mananampalataya at ang mga salita sa Tipan sa Sinay na naaayon sa tunay ng Kristiano: “... kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasacerdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios ...” (1 Pedro 2:9). Katotohanan na ang unang Iglesia ay may mga obispo, nguni’t ito’y may asawa at “namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sambahayan” ( 1 Tim. 3:1-7) at may namamahalang matatanda (elders) ng Iglesia na walang kaugnayan sa mga obispo sa ngayon (Phil. 1:1). Ang mga gawain ng mga namamahalang ito ay di upang mamanginoon sa kawan ni Cristo nguni’t nararapat din na man silang pagukulan ng utang na loob at paggalang.

Ang katawagang “Ama” ay hindi ikinapit sa kanila. Ang sino mang nagnanais tumupad sa diwa ni Cristo ay hindi matatanggap ang gayong tag-uri sapagka’t malinaw ang itinuro ng Panginoon “At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sino mang tao sa lupa: sapagka’t iisa ang inyong ama, samakatuwid bagay siya na nasa langit” (Matt. 23:9). Ang ating ama sa laman ay ama nating sa karapatan nguni’t kung tayo’y magtatakda ng taguring “Ama” ay sa Dios lamang na nagiging Ama ng lahat ng nagiging anak niya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang sino mang Cristiano ay may karapatang magpasiya sa kaniyang sarili tungkol sa pag-aasawa. Si Apostol Pablo ay nag-saysay ng kapakinabangan ng hindi pag-aasawa. Kung malayang pagpili, at naglahad din naman ng mga alituntunin at uugaliin ng mga obispong may asawa, gayon din na sinulat niya ang kanyang di-pagsangayon sa ... pagbabawal ang pagaasawa ...” (1 Tim. 4:3). Kaya’t ang pagka-sacerdote ng Iglesia Katolika ay hindi naayon sa unang Iglesia. Gaano mang kadakila ang katandaan ng Iglesia, ang lahat ng mga bagay na ito ay larawan ng pagbabago sa mga katuruan at gawain sa Bagong Tipan.

#8 Resource Manager

Resource Manager

    Forum Management

  • Administrators
  • 13,447 posts

Posted 26 August 2012 - 04:45 AM

6. ANG KATAWAN (EUCHARIST)

Ang Iglesia Katolika ay nagtuturo na kapag sinambit ang salita ng pagtatalaga (consecration), ang bahagi ng sangkap ng Tinapay at Alak ay nagiging sangkap ng katawan at dugo ng Panginoon, na ang pagaalay ay muling magaganap sa bawa’t paghahandog ng Misa.


Katotohanan na sinabi ng Panginoon “Ito ang Aking Katawan” at “Ito ang aking dugo” (Matt. 26: 26, 27) ng siya’y nagpasalamat sa tinapay at alak noong Huling Hapunan. Nguni’t ang mga salita ay sinambit bago ihandog ang katawan at itigis ang dugo at hindi maaaring bigyan ng unawang literal o letra por letra. Bagkus, inihalintulad ni Pablo ang pinagputol-putol na tinapay sa “pakikipagkaisa ng katawan ni Cristo” (1 Cor. 10:16) isang larawan ng pagkakaisa na dapat damdamin at alamin ng tunay na mananampalataya kapag siya’y bumabahagi ng tinapay at alak na siya’y nauugnay sa namamatay niyang Tagapagligtas. Ang Panginoon at si Pablo ay tinuringan ang pakikipagkaisa (Communion o Pakinabang) na isang ala-ala ng ginawa ni Cristo (Lucas 22: 19-20; 1 Cor. 11:24,25); at ang pagaalay ng Panginoon ng kanyang sarili ay isang bukod-tanging bagay ng kasaysayan na naganap minsan magkailan man” (Heb. 10:10) .

Walang binabanggit sa Biblia na ang pinagputol-putol na tinapay na lumarawan sa katawan ng ating Panginoong Jesus ay isang himala. Ito’y inaalok sa tunay at bautismadong mananampalataya bilang isand dakilang karangalan na makibahagi sa Kapistahan ng Ala-ala ng Panginoon, isang tanging karapatan na nagtataglay ng mabigat na pananagutan kung ginaganap na di kanais-nais. Kaya’t siya ay “magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon “ (1 Cor. 11:27). Ang ibig sabihin ay kapag nakibahagi ng Ala-ala ng Kamatayan ng Panginoon na di kanais-nais ay para na rin tayong tumutulong sa kanyang kamatayan. Nguni’t “tinapay” pa rin ang kinakain at “alak” pa rin ang iniinom. Hindi sinasabi ng Biblia na nagbabago ang sangkap nito. Ang tinuturo ng Biblia ay nananatili ang bahagi ng sangkap matapos ang pagtatalaga (consecration).

#9 Resource Manager

Resource Manager

    Forum Management

  • Administrators
  • 13,447 posts

Posted 26 August 2012 - 04:45 AM

7. ANG MGA PAPA AT Sl PEDRO

Ang Iglesia Katolika ay nagtuturo na si Pedro an unang Obispo ng Roma, at ang unang kahalili (Vicar) ni Cristo sa lupa. Itinuturo na ang mga Papa ay walang patid na sunod-sunod na nagmula sa kanya, at sila, ang hahaliling mga obispo ng Roma, ay ang mga kahalili ni Cristo at ulo ng Iglesia sa kanilang kapanahunan.


Hindi na kailangan pag-usapan kung si Pedro ay isang nakatatanda sa Iglesia sa Roma (sapagka’t ang katagang “obispo”, sa Biblia, ay hindi nangangahulugan ng isang punong may lubos na kapangyarihan). Ang tanging talata na mag-uukol sa kanya ng gayon “Binabati kayo ang nasa Babilonia, na kasamang hinirang; ...” (1 Pedro 5:13), ay gumagamit ng di karapat-dapat na pangalan na iniuukol sa lungsod ng Roma sapagka’t ang Babilonia sa Apocalipsis ay kumakatawan sa iglesiang tumalikod at hind aangkinin ang pamagat na ito ng “tunay” na Iglesia.

Ang dapat nating gawin ay suriin sa Biblia kung si Pedro ay itinanghal bilang Papa. Katotohang sinabi ng Panginoon kay Pedro: “... ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kanya” (Matt. 16:18). Nguni’t dapat nating pansinin ang mga sunod-sunod na katotohanan tungkol dito:

(1) Katatanggap pa lamang ni Pedro si Jesus bilang “... ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay” (talatang 16). Ito ang tunay na saligan ng Iglesia ng Dios, na kinilala ni Pablo sa dalawang pagkakataon: “Sapagka’t sino man ay hindi makapaglalagay ng ibang pinagsasaligan, kundi ang malalagay na, na ito’y si Cristo Jesus” (1 Cor. 3:11) at “Na nga itinayo sa ibabaw na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok; na sa kanya’y ang buong gusali ng nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon “ (Effeso 2:21, 22).


(2) Maging si Pedro ay hindi kumilala sa sino mang ulo ng Iglesia maliban kay Cristo, na kaniyang tinutukoy na “... isang batong buhay, na ... itinakwil ng mga tao, datapwa’t sa Dios ay hirang, mahalaga.” (1 Pedro 2:4-8) na hinango sa matandang hula tungkol kay Jesus na “ ... inilalagay sa Sion na pinakapatibayan ang isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok ...” (Isa. 28:16).


(3) Bagama’t katotohanan na ipinagkaloob ng Panginoon kay Pedro ang kapangyarihan ng “pagtatali at pagkakalag”, ang ganitong uri ng kapangyarihan na gumawa ng kautusan sa Iglesia ay ipinagkaloob din sa ibang apostol (Matt. 16:19; 18:18). At bagama’t ipinagkaloob kay Pedro “ang mga susi ng kaharian ng langit”, nakita nating ginamit ni Pedro ang susi sa pagbubukas ng daan ng kaligtasan kay Cristo sa mga Judio (Gawa 2) at sa mga Gentil (Gawa 10). Ang mga susi na yaon at hindi na kakailanganing muli, maliban sa huling paghuhukom ng Panginoon na siyang magbubukas at di mailalapat ng sinuman, at naglalapat at di maibubukas ng sinuman (Apo. 1:18; 3:7).


(4) Sa talatang binabanggit, si Pedro ay makikita sa dalawang magkaibang ayos. Inihayag niya ang pahayag ng Dios sa kanya tungkol sa bato ng saligan ng pagtatatag ng Iglesia nguni’t nang sumalungat siya sa pagkakapako sa Krus na siyang magiging katiyakan ng pagkatatatag ng gusali, siya ay “... tisod sa akin; ...” isang batong katitisuran, sabi ng Panginoon (Matt. 16:23).


(5) Walang tanda na si Pedro ay gumamit ng kapangyarihan naangkop sa Papa, o kaya nahahanda ang mga Apostol na maipagkaloob sa kanya. Tutoong inanyayahan siya ng Panginoon upang palakasin ang kanyang mga kapatid, (Lucas 22:32), nguni’t ito’y hindi nagtataglay ng kapamahalaang maging puno ng Iglesia. Katotohanan na ibinagay sa kanya ng Panginoon ang kapamahalaan ng pagpapakain ng kawan (Juan 21:15-17), nguni’t ito’y tanging pagpapanumbalik ni Pedro matapos ng kanyang kahinaan, at ito’y hindi na naman nagtataglay ng kapamahalaan. Pinakinggan ng Concilio sa Jerusalem ang patotoo ni Pedro tungkol sa kanyang pangangaral sa Gentil, nguni’t ang Concilio ang nagawad ng pasiya at hindi si Pedro (Gawa 15:6-29). Ipinahayag ni Pablo ang pagkakatakda niyang mangaral sa mga Gentil, nguni’t ang ibang mga Apostol o si Pedro man ay walang masasabi sa kanyang karapatang tinataglay (Gal. 2:6-10). Si Pablo, sa katotohanan, ay sinansala si Pedro sa pagpapakita ng isang masamang halimbawa sa mga mananampalatayang Judio at Gentil (Gal. 2:11-17). At tungkol kay Pedro, ang masasabi niyang katungkulan sa Iglesia, ay isa rin naman siyang nakatatanda sa Iglesia na gaya rin naman nila samantalang kanyang pinagpapahayagan ang kapuwa niya matatanda sa Iglesia (1 Peter 5:1).


Ito ang pinakamadalang saligan na inaangkin ng inyong Iglesia. Si Pedro ay hindi naging Papa, at hindi inakala ng kanyang mga kapanahon bilang Papa attumanggap ng pag-uutos na pangsarili at hindi naghahangad ng kahalili. Hindi ba ito isang bagay na dapat pag-ukulan ng masusing pag-susuri kung bakit inangkin ng Iglesia ang isang bagay na mabuway o hindi matatag na saligan. Hindi sa Biblia nanggaling ang ipinangangalandakan ng Iglesia “Ubi Petrus, ibi Ecclesia?”

#10 Resource Manager

Resource Manager

    Forum Management

  • Administrators
  • 13,447 posts

Posted 26 August 2012 - 04:46 AM

8. ANG MGA SAKRAMENTO

Kinikilala ng Iglesia Romana ang pitong sacramento: Bautismo, Kumpil, Pakinabang, Penitencia, Dakilang pagpapahid ng santo oleo (extreme unction), Ordenacion, at Kasal.


Hindi tinuturan sa Biblia ang mga sacramento sa unawang naghahatid ng biyaya mula sa Dios kapag ginanap ang gawain. Nguni’t nasa Biblia ang ibang mga bagay na binanggit. Ang pagkakabanggit sa Biblia ay lubos na kaiba sa gawain ng inyong Iglesia na kung magkaminsan ay mahirap na makilala ang isa sa isa.

Bautismo - Ang Biblia ay tunay na may bautismo, ngunit bautismo ng mga mananampalataya - “Ang sumasampalataya at ma bautismuhan ay maliligtas; ... (Marcos 16:16) - at hindi ng mga sanggol. At isang bautismong kinapapalooban ng paglilibing sa tubig at hindi pagwiwisik; sumasagisag ng kamatayan at pagkabuhay na maguli ng isang nagsisising kasama si Cristo. Dahil dito, ang Biblia ay hindi nagsasaad ng Kumpil (pagpapatunay). Ang mananampalataya ang magpapatunay sa kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng kanyang sariling kagustuhang mabautismuhan. Totoong ipinapatong ang kamay sa pagpapala, o sa pagsusugo sa tanging lakad, o lumalarawan sa pagkakaloob ng Espiritu Santo at hindi kumpilan (patunayan) pagkaraan ng panahon pagkatapos ng bautismo. Ang isang pagkakamali sa bagay na ito ay lilikha ng ibang pagkakamali.

Penitencia - Ang Biblia ay may pagsisisi rin, sa dalawang kahulugan na ikinalulungkot ang masamang nagawa at sa pagbabalik loob at pagbabagong buhay. Ang pagsisisi ay tunay na kailangan sa pasimula sa bautismo, nguni’t ang penitencia, sa unawang gumagawa ng pag-amin ng mga pagkakasala sa pari bilang batayan ng kapatawaran, ay wala sa Biblia. May tungkulin ang bawa’t isa na nakalulugod sa Dios na sila ay magsisi sa kanilang dating pamumuhay at magbalik loob sa kanya sa pamamagitan ni Cristo at mabautismuhan; walang ibang tungkuling maiaatang sa kanila upang mag-alay ng “confession”sa paring tao at tanggapin ang “Absolvo te” ng tao.

Dakiling pagpapahid ng santo oleo (extreme unction) - ang sulat ni Santiago ay tunay na nagtatagubilin ng panalangin at pagpapahid ng langis (Santiago 5:13-15) doon sa may malubhang karamdaman sa kamay ng mga matanda ng Iglesia”. Nguni’t ito’y hindi batayan para sa Sacramento ng Pagpapahid ng Santo Oleo (extreme unction) para sa kaligtasan ng maysakit laban sa kamatayan sa kasalanang mortal at pagtungo sa infierno. Ang Ordenacion ay nababatay sa kuro-kuro tungkol sa kaulugan ng pagkasacerdote na ipinakita nating hindi maka-Kristiano. At samantalang ang pag-aasawa ay sinasabi sa Biblia na maging marangal sa lahat (Heb. 13:4) - saklaw ang mga obispo gayon din ang mga matanda (elders) ng Iglesia (1 Tim. 3:2; Titus 1:5) - ay hindi binibigyan ng unawang sacramental.

Ang katotohanan, ang pamamaraan ng sacramento ng itinatag ng Iglesia Katolika ay magbibigay-diin sa masidhing kaibahan ng mainam na kaayusan ng mga katuruan at gawain ng Katolika sa mga magagaang gawain at aralin ng unang Iglesia. Nakapagdudulot ng isang angkop na pagkakataon upang ipagdiinan ang paksa at layunin ng kasalukuyang panawagan.

#11 Resource Manager

Resource Manager

    Forum Management

  • Administrators
  • 13,447 posts

Posted 26 August 2012 - 04:48 AM

ANG PANAWAGAN

Ngayon naman, mga mambabasang katoliko, maaari ba namang suriin ninyo ng isang saglit ang aming paniwala sa itinuturo ng Biblia tungkol sa Iglesia, ang mananampalataya at ang buhay sa kinabukasan?

Sinasabi sa atin na ang Dios ay Isa (Eph. 4:6), at si Jesucristo ay kanyang anak na kanyang ipinanganak at sinugo sa daigdig upang ating maging tagapagligtas (Lucas 1:30-35). Sinasabi sa atin na si Jesus sa lahat ng bagay ay katulad ng kanyang mga kapatid, napaglabanan ang kasalanan sa pamamagitan ng pagpupunyaging panglabas at pangloob (Heb. 4:14-17). Sinasabi sa atin na siya ay namatay upang mapagtagumpayan ang may kapangyarihan sa kamatayan at naging sakdal sa lahat ng bagay, gayon may walang nagawang pagkakasala (Heb. 5:9) . Sinasabi rin sa atin na si Jesus ay umakyat sa langit, at muling magbabalik sa lupa upang sumakop at maghari (Gawa 1:11).

Sinasabi sa atin na tayo ay makasalanan at namamatay (Rom. 5:12). Hiniling sa atin na tayo ay magsisi sa ating mga pagkakasala, magbalik look, at magpa bautismo sa tubig bilang nasa gulang na mananampalataya, na inilalarawan ang pagkalibing natin sa ating dating pamumuhay noon (Col. 2:12). Inaalok sa atin ang pag-asa na, kung gagawin natin ang mga pagay na ito, ang Panginoon ay muling babalik at tayo’y tatanggapin sa araw na paghuhukom at pahihintulutan tayong magalak sa kanyang kaharian dito sa lup (Matt. 25:31-46) .

Sinasabi sa atin na ang tunay na Iglesia ay binunuo ng mga taong mapakumbaba na tumitingin sa isang Pinakamataas ng Sacerdote lamang (Heb. 3:1). Sinasabi rin sa atin na ang Iglesiang ito ay may isang Ulo, isang Maestro, samantalang tayong lahat ay magkakapatid (Eph. 2:15). Sinasabi sa atin na ang mga kaanib ng Iglesiang ito ay palaging nagtitipon, sa pagsusunuran at kagalakan, at ang lahat ay bumabahagi ng tinapay at alak sa pag-ala ala sa Panginoon na namatay para sa kanila (1 Cor. 11:23-29). At sinasabi sa atin na, bagama’t ang Puno ng Iglesia ay kasalukuyang nasa kanag kamay ng Ama, siya’y muling babalik at tatanggapin ang kanyang Iglesia sa kanyang sarili gaya ng lolaking tumanggap sa kanyang mapapangasawa at pagpapalain ang mga kaanib taglay ang walang kamatayan dito sa lupa (Apo. 19:7-9).

Hindi tayo inaalok ng pangkasalukuyang karangyaan nguni’t yaong lamang pangkaraniwan at kababaang loob. Hindi nagbibigay ng dakilang kapangyarihan sa mga makalupang hununungkulan sa loob ng Iglesia nguni’t inatasan tay ong mamuhay ng sama-sama bilang taga ibang lupa at nanglalakbay sa di-nagbabalik-loob na sanlibutan hanggang sa dumating ang Panginoon upang maghari (1 Pedro 2:9-12). Hindi itinuturo sa atin ang sukdulang pagtatagumpay ng alin mang may kapamahalaan sa religion sa lupa nguni’t ang Panginoon din ang magtatagumpay ukol sa kanyang mga tapat. Siya ang may susi ng “infierno” (na ito’y libingan Apo. 1:18), at siya ang magkakalag ng bigkis ng kamatayan upang, kung matipon na niya ang mga tapat sa kanyang sarili, tunay na matutupad na ang ... mga pintuan ng Hades ay hindi mananaig” laban sa tunay na Iglesia o sa alin mang tapat na kaanib nito (Matt. 16:18).

Timbangin ninyong ang mga katibayan na aming inilahad. Isaalang-alang ninyong mabuti, pagkatapos ng lahat, na hindi sa karilagan at kapangyarihan ng inyong maringal na Iglesia, nguni’t sa pangkaraniwan, kahinaan at kababaang loob ng pananampalataya na inihayag dito, na ang kalooban ng Dios ay dapat hanapin at lubhang napakadali para sa mga tao ang umiwas sa pangkaraniwan (simplicity) na kay Cristo (2 Cor. 11:3); kakilakilabot na hinulaan na ang Panginoon ay kailangan na tanggihan ang mga pulutong nga mga religion ng nagpapasama sa kanyang turo, sino man sila (2 Thess. 2:14; Apo. 17); ngunit malawalhating ipinangako na, kung siya’y dumating at (2 Thess. 2:14; Apo. 17); ngunit maluwalhating ipinangako na, kung siya’y dumating at parusahan ang mga lumalaban sa kanya, siya ay darating din naman “... upang siya ay maging kahanga-hanga sa lahat ng mga nagsisisampalataya” (2 Thess. 1:7-10).

WAKAS

From: “AN APPEAL TO ROMAN CATHOLICS” by Alfred Norris

http://www.acbm.org.au/

http://www.acbm.org....ion/philippines

Attached File  IsangPakisuyoRomano.pdf   179.12KB   291 downloads




0 user(s) are reading this topic

0 members, 0 guests, 0 anonymous users